Tuesday, November 6, 2012

Ang Labanan ng AllStars at Benchsetters


Mary Ann D. San Juan
IV-7
Nobyembre 6, 2012        


          Sa tuwing dadaan ang mga sasakyan sa kalye ng EDSA, hindi mapigilan ng mga tao mapatingin sa labas ng bintana para lang makita ang mga naglalakihang billboard ng mga artistang iniidolo natin. Itong mga tanyag na taong kinagigiliwan nang marami sa atin ay makikitang ineendorso ang mga produkto ng dalawa sa pinakamalaking kompanya na nagmula sa Pilipinas- ang Bench at ang Penshoppe.

          Hindi malayo sa kaalaman natin na ang dalawang magkalaban na kompanya ay nangiimbita ng mga kilalang dayuhan upang imodelo ang kani-kanilang mga produkto. Nagsimula ito noong taong 1995, nang imbitahan ng Penshoppe ang Irish boyband na Boyzone para maging modelo ng kanilang mga produkto; sa taon ding iyon, inimbita naman ng Bench ang Chinese-American VJ ng Channel V na si Nonie Tao. Mayroong panahon na nauso ang gawain na ito, pero matagal-tagal rin ang panahon na hindi mga dayuhan ang naging mga modelo ng dalawang kompanya; kumuha ang dalawang kompanya ng mga sikat na artista mula sa Pilipinas. Ito ang naging tulay upang makita ang mga “Kapamilya” at “Kapuso” na artistang rumarampa sa iisang entablado.

          Makalipas ang ilang taon, niyanig muli ng Bench at Penshoppe ang mga Pilipino sa mga bigating dayuhang artistang pinapadala nila sa ating bansa. Gumawa ng sari-sariling kampanya ang dalawang kompanya upang maipakilala sa madla kung ano ang meron sa kanila; para sa Penshoppe, tinawag nila itong #PENSHOPPEAllStars at para naman sa Bench, binsagan nila ang mga modelo nila bilang #GlobalBenchsetter. Sinimulan nila ang kani-kanilang kampanya noong nakalipas na taon. Nauna maging Penshoppe AllStar “endorser” si Ed Westwick, mula sa kilalang palabas na Gossip Girl, noong 2011. Sinundan naman siya ng Thai Heartthrob na si Mario Maurer. Maraming mga kababaihan (at siguro lalaki narin) ang napatili at nagulat ng makita nila ang dalawang dayuhan sa mga Ads ng Penshoppe. Hindi nagtagal ay naipakilala narin ang mga naunang Global Benchsetters na sina Apl d. Ap ng Black Eyed Peas, Nicole Scherzinger ng Pussycat Dolls, at si Bruno Mars.

          Ngayong taon naging laganap ang pagdating ng mga iniidolo natin sa iba’t-ibang larangan mapamusika man o mapasining dito sa ating bansa. Para sa Penshoppe, kabilang sa mga AllStars na naparating sa Pilipinas para maging bahagi ng kampanyang ito ay sina Leighton Meester ng Gossip Girl, Matt Damon ng The Vampire Diaries, si Zac Efron, at ang kilalang British Boyband ngayon na ang One Direction. Para naman sa Bench, kumuha sila ng iba’t-ibang klase ng sikat na mga dayuhang tao- mayroon sa musika, mayroon sa sining, at mayroon ring mga propesyonal na “international” na mga modelo. Kabilang sa mga binansagang GlobalBenchsetter ay sina Joe Jonas na kasapi ng bandang the Jonas Brothers, Siwon at Donghae mula sa Korean boyband na Super Junior, David Archuleta, ang lead singer ng bandang Maroon 5 na si Adam Levine, ang Korean heartthrob na si Lee Min Ho, ang artista ng palabas na Pretty Little Liars na si Lucy Hale, ang mga modelo ng America’s Next Top Model na sina Sophie Sumner, Allison Harvard, at Dominique Reighard, at ang American Idol Season 11 runner-up na si Jessica Sanchez.

          Ang malaking tanong na bumabagabag sa marami ay kung bakit sila (ang Bench at Penshoppe) kumukuha ng mga dayuhan upang iendorso ang produkto ng dalawang kompanya. Una, ito ay ginagamit nilang istratehiya para lumawak ang “market” ng kani-kanilang produkto. Siyempre, aminin man natin o hindi, tayong mga Pilipino ay mas tumatangkilik ng produkto kapag nakikita natin ito sa mga dayuhan o di kaya sa mga hinahangaan natin. Pero sa huli, ang totoong labanan naman ay hindi kung sino ang mas gwapo or mas sikat na endorser, dapat isinasangalang-alang natin ang kalidad ng produkto. Maka “Team Bench” ka man o “Team Penshoppe” dapat parin natin itong tangkilikin dahil ito ay gawang Pilipino.

No comments:

Post a Comment