IV-7
Nobyembre 11, 2012

Ngayon, habang nakaharap sa kompyuter, nag-iisip ako ng pwedeng isulat
para sa aking takdang-aralin. Wala pang
magandang ideya ang pumapasok. Kung saan-saan na ako tumitingin para makahugot
ng inspirasyon sa pagsulat. Pero ano ba ang nakikita ko? Itong cellphone ko, ang laptop, ang earphones ay
nakalatag sa paanan ng kama ko at ang webcam
na nasa likod ng laptop. Nakapatong
din ang iPod at ang teleponong walang
kurdon sa asul kong kama. Napansin ko, ang gulo pala ng kwarto ko... at
napakatahimik. Ngayon, nakikinig na ako ng musika habang nag-iisip pa rin. Ilang
kanta na ang napakinggan ko, wala pa ako sa ikalawang talata. Naka-type na ako ng maikling panimula ngunit,
ito'y binubura ko agad. Siguro hindi ko lang oras na mag-isip? Bakit ba mahirap
mag-isip? Siguro mamaya pa darating ang pinakamagandang ideya! Naglaro muna ako
ng mga online games at nakipag-chat sa mga kaibigan ko. Ang oras ay
biglang tumakbo ng mabilis.
Dumilat na ang mga mata ko pagkatapos
ng apat na oras. Itim na ang screen
ng laptop at naghihintay lang.
Inurong ko ng konti ang mouse at
biglang lumiwanag at lumabas ang blankong sulatin ko. Nagdaan ang mga minuto
pero wala! Wala pa ang magandang ideya ko! Muli, ako'y lumingon-lingon.
Tiningnan ko ang buong kwarto ko at nagsawa rin ako agad. Lumabas ako, nalibot
ko na ang buong bahay at para sa akin, ang pinakainteresadong pwedeng isulat ay
ang hardin namin sa may garahe. Ang matamis na loob ng santang pula, ang mga
munting bulaklak ng isang matinik na halaman, ang ampalaya na umiikot sa
manipis na malunggay ay pwede kong pag-usapan sa sanysay ko! Dali-dali akong
tumakbo pataas para magsimula na sa paglarawan ng hardin.
Nasa loob na ako ng malamig na kwarto
pero napatigil ako. Parang may kulang. Nakabukas naman ang airconditioner at ang aking laptop.
Naiwan kong tumutugtog ang iPod ko
pero... ano bang kulang? Ganito rin naman ang kwarto ko bago ko iniwan.
Ganito katahimik naman talaga...
Ang
mundo ngayon ay punong-puno na ng gadgets. Hindi maiiwasan na magkaroon ng
iba't-ibang gamit sa bahay. May ibang bahay na dalawa ang telebisyon at may
ibang bahay na anim ang kanilang laptop o kompyuter. Kahit mahirap ang buhay, halos
lahat na ng tao ay mayroong gadgets. Ito na ang panahon ng teknolohiya. Ito
na ang panimula ko, itong aking napagtanto. Bigla kong napansin na ang
teknolohiya ang umaagaw na sa ating buhay. Hindi na natin siguro napapansin ang
ibang mga bagay. Halos lahat ng tao ay
tahimik na dahil puno na ang mga utak at schedule
nila. Hindi naman sa sinisisi ko ang pagdating ng mga gadgets na ito pero iba na ang panahon. Kung dati, uso pa ang
maglaro ng patintero at luksong tinik, itong mga larong ito'y napalitan na.
Dumating ang gameboy at Counter Strike na napalitan na ng DOTA at ngayon, usong-uso na ang mga online games na galing Facebook. Sa susunod na taon, palagay
ko, madadagdagan pa ang mga gadgets
na meron na ngayon. At hanggang sa kinabukasan, na dumating ang araw na iyon,
mananatiling ganito katahimik muna ang mundo.

No comments:
Post a Comment